ni Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag
Partido Komunista ng Pilipinas
ika- 28 ng Nobyembre 2013

Labis akong nagagalak na ilulunsad ngayong araw ang librong Boni@150 bilang parangal sa dakilang Andres Bonifacio. Pagkakataon ko ang okasyong ito upang muling magpahayag ng paghanga sa CONTEND sa paglathala ng librong ito.

Malaking karangalan sa akin ang mag-ambag ng introduksyon sa libro at ng isang tula bilang parangal sa ama ng rebolusyong Pilipino at ng bansang Pilipíno. Sagradong katungkulan natin na gawin ang lahat na kailangan at maaari upang mahalin at tangkilikin ang kanyang pamana at pinakamahalaga para ipagpatuloy ang rebolusyong Pilipino na kanyang inumpisahan noong 1896.

Si Bonifacio ang pinakatampok na mandirigmang rebolusyonaryo at pambansang bayani ng sambayanang Pilipino sa lumang demokratikong rebolusyon. Binuksan niya ang daan ng demokratikong rebolusyon hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong Asya at buong ikatlong daigdig.

Ang mga matayog at matingkad na katangian niya bilang bayani at rebolusyonaryo at ang saligang hangarin niya na mapalaya ang sambayanang Pilpino sa dominasyong dayuhan at pyudal ay nananatiling wasto sa bagong demokratikong rebolusyon laban sa makabagong imperyalismo, lokal na pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Maisasagawa ng sambayanang Pilipino ang bagong demokratiko at sosyalistang mga yugto ng rebolusyong Pilipino kung hahango ng mga aral mula kay Andres Bonifacio at tutularan ang kanyang matalino at magiting na halimbawa. Hayaan niyo akong magbasa ng aking tulang parangal sa kanyang kadakilaan.

PARANGAL KAY KA ANDRES BONIFACIO

Gaano kadakila si Ka Andres Bonifacio?
Di siya naniwala na banal at palagian ang kaayusang
Kolonyal at pyudal na pinagharian ng sakim at lagim.
Suklam siya sa sabwatan ng espada at krus.
May tiwala siyang mananaig ang sambayanan
Pag nagkaisa’t nangahas lumaban sa mang-aapi.

Gaano kadalisay si Ka Andres Bonifacio?
Nagpasya siyang maglingkod sa bayan
Para ipaglaban ang pambansang kalayaan,
Kamtin ang katarungan at kaunlaran.
Nag-alay ng buhay at handang mamatay
Para sa bayan at maaliwalas nilang kinabukasan.

Gaano katalino si Ka Andres Bonifacio?
Hango ang kaalaman sa kasaysayan
At kalagayan ng masang anakpawis
Na nagdusa, nagsikap at umasang
Makalaya sa pagsasamantala at pang-aapi
Ng mga among dayuhan at lokal na ganid at malupit.

Gaano kadunong si Ka Andres Bonifacio?
Higit pa sa mga nakapagpamantasan
Na walang alam o pakialam sa naghihinagpis
Na mga anakpawis at sa kung ano ang kaya nilang gawin.
Higit pa sa mga di nagbasa o di nakasapol
Sa diwa ng kalayaan, kapantayan at kapatiran.

Gaano kagiting si Ka Andres Bonifacio?
Itinayo ang Katipunan sa kabila ng pananakot
Sa paghuli kay Rizal at pagbuwag sa Liga.
May pasyang lagutin ang tanikalang kolonyal
Ihayag ang kasarinlan at pamunuan ang rebolusyon.
Sa gayon, naging Ama ng bansang Pilipino.

Gaano kahalaga si Ka Andres Bonifacio?
Kung paghahambingin, tumanggi si Rizal
Sa dibdibang alok na pamunuan ang rebolusyon.
Kung paghahambingin, naisahan ni Aguinaldo ang Supremo
Ngunit marangal ang bayaning martir
At kahiya-hiya ang taksil at maulit na palasuko.

Gaano pa kahalaga si Ka Andres Bonifacio?
Ang pinamunuan niyang rebolusyon ang nagbukas
Ng landas ng demokratikong rebolusyon sa buong Asya.
Sa gayon, napakataas ng karangalan ni Bonifacio
Tungo sa pamumuno ng kanyang uring proletaryo
Sa panahon ng bagong demokratikong rebolusyon.

Patuloy na inspirasyon natin si Ka Andres Bonifacio,
Patnubay natin ang kanyang halimbawa
Mahigpit nating tungkuling tularan siya at isulong
Ang sinimulan niya hanggang ganap nating maipanalo.
Lumaban upang gapiin ang imperyalismo at reaksyon,
Kamtin ang kalayaan at tumungo sa sosyalismo.

MENSAHE SA PAGLULUNSAD NG BONI@150
ni Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag
Partido Komunista ng Pilipinas
ika- 28 ng Nobyembre 2013

MENSAHE SA PAGLULUNSAD NG BONI@150